Nag-abiso ang Quezon City Government sa publiko na magpapatupad ito ng pansamantalang pagbabago sa ilang bus stop at dispatching area ng Q City Bus para magbigay-daan sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Partikular ito sa Route 2 (QC Hall–Litex/IBP Road), kung saan pansamantalang isasara ang Northbound St. Peter Bus Stop at ang Northbound at Southbound Maclang General Hospital Bus Stops.
Bilang kapalit, magbubukas ng mga temporary bus stops sa Kalayaan C Street sa northbound lane at Riverside Street sa southbound lane ng Commonwealth Avenue.
Ililipat din pansamantala ang dispatching area ng Route 2 sa bahagi ng Commonwealth Avenue, lampas ng Jollibee Soliven.
Ayon sa QC LGU, mananatili namang normal ang operasyon, iskedyul, at mga bus stop ng iba pang ruta ng Q City Bus.
Samantala, nakapaskil na rin ang mga tarpaulin kaugnay ng SONA sa kahabaan ng Batasan Road, habang nagpapatuloy ang clearing operations at iba pang security preparations sa paligid ng Batasang Pambansa bilang bahagi ng paghahanda para sa SONA ng Pangulo.