Pormal nang nagsumite ng manifestation ang House Prosecution Panel sa Senate Impeachment Court upang ipropose ang tamang pagkakasunod-sunod sa paglalahad ng mga ebidensya at testigo sa paglilitis kay VP Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, nakahanda ang panig ng prosekusyon na igalang at sundin kung ano man ang magiging pinal na desisyon ng impeachment court hinggil sa kanilang mosyon.
Sa naturang manifestation, inirerekomenda ng prosekusyon na magsalitan o ang isang o “alternate” na proseso sa pagitan ng magkabilang panig sa bawat nakasaad na Article of Impeachment.
Ipinaliwanag ng panel na sa pamamagitan ng pamamaraang “article-by-article,” mas makapagtutuon ang Senado pati na ang magkabilang panig sa iisang usapin bago lumipat sa kasunod, na magdudulot ng mas organisado at sistematikong paglilitis.
Muling magpapatuloy ang impeachment trial bukas, ngunit ililipat na ang oras nito mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon upang magbigay-daan sa pagbabalik-sesyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso. | ulat ni Melany Reyes