Nanindigan si Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos na hindi nararapat na magsagawa pa ng panibagong pag-iimbestiga ang Kamara de Representantes dahil ilan sa mga miyembro nito ay mismong sangkot sa isyu.
Ito ang sagot ng mambabatas sa gitna ng mga panawagan na muling buksan ang imbestigasyon ng kongreso hinggil sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa isang ambush interview, tinanong si Marcos kung dapat bang pagbigyan ng Kamara ang mga panawagan para sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
Ayon sa Majority Leader, hindi nagbago ang kanyang paninindigan mula pa noong simula.. ipaubaya sa mga institusyon gaya ng Ombudsman ang pag-iimbestiga.
Inihalintulad ni Marcos ang pag-iimbestiga ng Kamara sa iskandalo ng flood control sa isang sitwasyon kung saan inutusan ang mga estudyante na mag-tsek at magbigay ng grado sa sarili nilang mga exam paper. | ulat ni Melany Reyes