Welcome sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang panawagan na income tax exemptions at mas mababang buwis para sa mga maliliit na negosyo.
Ayon kay TUCP Partylist Representative Raymond Democrito Mendoza welcome para sa kanila ang pagkilala ng Pangulo na kailangang bawasan ang pasanin sa buwis ng ating mga manggagawa.
Ayon kay Mendoza.. upang maging ganap na “pro-worker” at mas patas ang pagbubuwis, nanawagan ang TUCP kay Pangulong Marcos na i-certify as urgent ang House Bill No. 8860 o ang panukalang Patas na Ambag sa Tax para sa Angat-Sahod (PATAS) Act.
Sa ilalim ng nasabing panukala na isinulong ni TUCP Party-list Representative at House Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, layong itaas sa ₱600,000 kada taon ang income tax exemption—na nangangahulugang libre na sa buwis ang mga kumikita ng ₱50,000 pababa kada buwan.
Suportado rin ng TUCP ang plano ng Pangulo na ibaba ang corporate taxes para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs).
Mas mainam anya na isabay na ang zero income tax para sa middle-income earners, pagaalis ng 12% vat sa kuryente at ang P200 legislated wage hike para sa lahat.
Bukod sa buwis, ikinatuwa rin ng labor center ang direktiba ng Pangulo kaugnay sa singil sa kuryente matapos nitong ihayag sa SONA ang pagbawas ng singil, napapanahon na ang pagtanggal sa system loss.
Ayon sa TUCP, ang mga ganitong hakbang—mula sa bawas-buwis hanggang sa pag-aalis ng mga hindi makatarungang singil sa kuryente—ang tunay na magpapagaan sa dalahin ng pamilyang Pilipino. | ulat ni Melany Reyes