Photo courtesy of Nueva Vizcaya Tourism
Unleash your creativity — ito ang paanyaya ng Nueva Vizcaya Tourism Office sa mga turista, kasabay ng paglulunsad ng pinakabagong tourism offering nito, ang Lakbay Likha.
Ayon kay Nueva Vizcaya Provincial Tourism Officer Marichelle Costales, bida sa Lakbay Likha ang lokal na kultura at pamumuhay ng mga Vizcayano at mga negosyo sa ilalim ng creative industry.

“Gusto namin na ‘yung experience ng mga bisita ay maging immersive, participatory, and also memorable at tumutulong talaga sa kabuhayan ng mga micro-entrepreneurs natin na nasa creative industry,” ani Costables.
Naghihintay sa mga turista ang mga aktibidad gaya ng painting, weaving, accessories at juice-making, pottery, wood art, coffee-cupping, at maging ang pag-aani ng mulberry fruit na mayaman sa probinsya.

“At the same time, nakakabisita sila sa mga magagandang lugar pero mayroong creative and immersive experience. ’Yun ang kakaiba sa ating bagong tourism product offering,” dagdag pa niya.
Paalala ng Nueva Vizcaya LGU sa mga gustong subukan ang Lakbay Likha, manatiling bukas ang mga puso sa mga bagong karanasan at huwag matakot i-express ang sarili sa pamamagitan ng sining.