Naglabas ang Commission on Higher Education (CHED) ng pambansang gabay upang tiyakin ang responsableng paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Sa pamamagitan ng CHED Memorandum Order No. 21, layunin ng komisyon na tulungan ang humigit-kumulang 2,366 na Higher Education Institutions (HEIs) at 188,261 na guro sa paggamit ng AI para sa kapakinabangan ng higit 5.8 milyong mag-aaral.
Ayon sa CHED, ang hakbang na ito ay alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kasanayan ng mga Pilipino sa AI at mga makabagong teknolohiya upang ihanda ang bansa sa mga trabaho sa hinaharap at sa mas mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Pagpapalakas sa Pag-iisip ng Tao at Integridad sa Akademya
Sa ilalim ng bagong utos, pinapayagan ang paggamit ng AI sa pagtuturo, pag-aaral, pananaliksik, at operasyon ng mga paaralan, ngunit may mga nakatakdang alituntunin para mapangalagaan ang academic integrity, data privacy, at kapakanan ng mga estudyante.
Binigyang-diin ng CHED na hindi Layunin ng AI na palitan ang pag-iisip ng tao kundi gabayan at palakasin lamang ito. Anila, “dapat munang matutong mag-isip ang mga estudyante bago sila matutong magbigay ng prompt sa AI.”
Pangunahing Probisyon ng CHED Memorandum Order No. 21:
- Transparancy: Obligado ang mga mag-aaral na maging tapat at ihayag kung kailan at paano nila ginamit ang AI sa kanilang mga Gawain.
- Tao pa din ang magpapasya: Kinakailangan ang mas higit na pagsusuri ng tao sa mga importanteng desisyon tulad ng pagbibigay ng grado, admissions, scholarship, pagpasa o pagbagsak ng estudyante, at ebalwasyon sa mga guro.
- Hindi parepareho sa Bawat Paaralan: Hindi magpapatupad ang CHED ng “one-size-fits-all” na patakaran. Binibigyan nito ng kalayaan ang bawat kolehiyo at unibersidad na bumuo ng sarili nilang mga alituntunin batay sa kanilang sariling kakayahan at pangangailangan.
Binigyang-diin ng komisyon na mananatiling sentro ng mataas na edukasyon sa Pilipinas ang husay ng paghuhusga ng tao, integridad sa akademya, at pananagutan sa gitna ng mabilis na pag-unlad ng modernong teknolohiya.