Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isinagawang dangerous maneuver ng China military aircraft sa AFP C-208 ng Pilipinas habang nagsasagawa ng routine maritime patrol sa paligid ng Bajo de Masinloc noong Sabado, October 3.
Ayon sa AFP, natukoy ang nasabing eroplano ng China bilang J-16 fighter aircraft na sinasabing maka-ilang beses nagpaligid-ligid sa eroplano ng Pilipinas na lubhang mapanganib sa sinumang nakasakay dito.
Binigyang diin ng AFP na bahagi ang insidente ng mapang-udyok na hakbang ng China laban sa mga barko at eroplano ng Pilipinas na gumaganap ng lehitimo at naaayon sa batas na operasyon.
Patuloy na idodokumento at isisiwalat ng AFP ang bawat iligal na hakbang ng China laban sa mga tauhan at asset na naglalagay sa kanila sa balag ng alanganin.
Nananatiling propesyunal at maingat ang mga aircrew ng Pilipinas salig sa mga itinakdang aviation procedures at magpapatuloy din ang ginagawa nilang maritime patrols sa West Phiilippine Sea.