Photo courtesy of IBP
Nagbibigay ng libreng legal na konsultasyon ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) para sa mga senior citizens sa buong bansa.
Sa panayam ng programang Golden Hearts sa Radyo Magasin kay IBP Deputy Director Atty. Maria Christina Yambot, ibinahagi nito na mayroon nang 85 IBP chapters sa buong bansa na handang magbigay ng libreng konsultasyon sa lahat ng kasong may kaugnayan sa senior citizens.
Kabilang sa mga libreng serbisyong alok ng IBP ay ang paggawa ng dokumento ng iba’t ibang uri ng affidavit, katanungang legal, at pagpapabasa ng mga legal na dokumento.
Kailangan lamang na personal na pumunta sa pinakamalapit na IBP Office sa kanilang lugar, magparehistro ng mga personal na detalye, at magdala ng mga dokumento o ebidensya na maaaring makatulong sa kaso.
Kaugnay nito, naglunsad ang IBP at National Commission of Senior Citizens (NCSC) ng libreng legal na konsultasyon sa lungsod ng Pasay bilang selebrasyon ng Elderly Filipino Week.

Ang mga serbisyong inihandog dito ay tungkol sa mga benepisyo na maaari makuha ng mga senior citizen, estate settlement, at guardianship.
Nagpaalala ang IBP sa mga senior citizen na tangkilikin ang mga libreng serbisyo na ibinibigay ng pamahalaan upang maisulong ang kanilang karapatan.