Hindi lang pagkain at pasyalan ang nais makilala ng South Korean YouTuber na si Jessica Lee sa kaniyang paglalakbay sa Pilipinas. Sa kaniyang pagbisita sa Nueva Ecija, binigyang-pansin din niya ang industriya ng kalabaw at dairy farming, pati na rin ang mga produktong tampok mula rito.
Sa kaniyang vlog na “Inside the Philippines’ Science City [EP. 21],” naibahagi ni Lee sa kaniyang mga tagasubaybay ang mukha ng Nueva Ecija, mula sa industriya ng kalabaw at dairy farming hanggang sa mga pagkaing ipinagmamalaki ng probinsya.
Bumisita si Lee sa Department of Agriculture-Philippine Carabao Center-National Institute for Animal Sciences (DA-PCC-NIAS) sa Science City of Muñoz, kung saan mas nakilala niya ang mga programa, pasilidad, at teknolohiyang ginagamit sa pag-unlad ng industriya ng pagkakalabawan at paggagatasan sa bansa.

Nasaksihan ni Lee ang ilang proseso sa dairy production at artificial insemination bago siya nagtungo sa Allan Benitez Dairy Farm, isa sa mga dairy farm na tinutulungan ng DA-PCC-NIAS. Doon, hindi lamang siya nag-obserba kundi sinubukan din niyang maggatas ng kalabaw at maranasan ang ilang gawain ng isang dairy farmer.
Natikman din ni Lee ang iba’t ibang produktong gawa sa kalabaw. Kabilang dito ang carabao mozzarella cheese, carabao chicharon, toasted pastillas, tilapia oatmeal cookies, at cara pops mula sa mga produktong ipinagmamalaki ng Philippine Carabao Center at mga partner nito.
Hindi rin pinalampas ni Lee ang food culture ng Nueva Ecija. Kabilang sa kaniyang food trip ang pancit kanin sa San Jose City, carabao meat bulalo sa Kardeli, mga dairy products mula sa Milka Krem, at ang yema roll mula sa Edna’s Cakeland.
Ang paglalakbay ni Lee sa Nueva Ecija ay bahagi ng kaniyang “Probinsya” vlog series na layuning puntahan ang lahat ng 82 probinsya sa Pilipinas. Sa bawat probinsya, nais niyang manatili nang hindi bababa sa 24 oras upang mas makilala ang mga lokal na komunidad, kultura, pagkain, at kuwento ng mga Pilipino.