Photo courtesy of Wika Philippines
Opisyal nang inilunsad ng isang grupo ng mga kabataang tech developers ang Wika PH, ang kauna-unahang mobile application sa bansa na nakatutok sa pag-aaral at pagpapanatili ng mga rehiyonal at katutubong wika sa Pilipinas.
Pormal na ipinakilala ang app na naglalayong tulungan ang “heritage learners,” mga balikbayan, at maging ang mga lokal na mamamayan na muling mahanap at mapayabong ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang wika ng bansa. Sa kasalukuyan, maaaring ma-download ang app sa Apple App Store habang binuksan na rin ang Google Play Beta Test para sa android users.

Ayon sa mga lumikha ng app na sina Kien Leriss Serapio, Alexander Galedo, David Memorando, at Jude Tabuzo, binuo ang Wika PH upang punan ang kakulangan ng mga digital platform para sa mga wika sa Pilipinas bukod sa Tagalog.
Sa unang yugto nito, tampok sa Wika PH ang limang pangunahing wika: Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, at Asi (isang natatanging wika mula sa Romblon).

Bukod sa mga interaktibong aralin at gamified progression na nag-aangat sa antas ng user mula sa pagiging “Visitor” patungong “Lokal,” ipinagmamalaki ng app ang tampok nitong Dialecto. Si Dialecto ay isang artificial intelligence (AI) conversational companion na pinatatakbo ng isang pinasadyang Large Language Model (LLM). Idinisenyo ito upang magsilbing ligtas na espasyo para sa mga mag-aaral na magsanay ng pakikipag-usap nang walang takot na mahusgahan.
Upang matiyak ang kawastuhan ng mga itinuturong salita at kontekstong kultural, ang bawat aralin sa app ay sumasailalim sa masusing pagsusuri at “human validation” ng mga akademikong lingguwista at mga katutubong tagapagsalita o native speakers bago ito ilabas sa publiko.
Sa kasalukuyan, ayon sa ulat ng developers, umabot na sa libo-libong indibidwal ang aktibong gumagamit nito, na nagpapatunay sa mataas na interes ng mga Pilipino na matutuhan ang kanilang mga sariling wika.
Inaasahan na sa mga susunod na buwan ay magdaragdag ng lima pang rehiyonal na wika at mas pinalawak na mga module para sa edukasyon at turismo. Sa pamamagitan ng kanilang opisyal na slogan na “With Wika, WI-KAN,” layon ng app na patunayan na ang makabagong teknolohiya ay maaaring maging pinakamalakas na katuwang sa pag-iingat ng pambansang kultura at pagkakakilanlan.