Naniniwala ang Department of Health (DOH) na ang malusog na mag-aaral ay magiging matagumpay sa hinaharap.
Kaugnay nito, lumagda ang DOH, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Education (DepEd), at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa isang Joint Memorandum Circular para sa pagpapatupad ng YAKAP School Health and Protection Program (YAKAP-SHP).
Sa ilalim ng programa, magsisilbing access points ng YAKAP ang mga community learning center, child development center, at inclusive learning resource center upang mas mapalapit sa mga bata at komunidad ang de-kalidad, inklusibo, at tuloy-tuloy na serbisyong pangkalusugan.
Sa pamamagitan ng pagpaparehistro sa YAKAP, maaaring sumailalim ang mga bata sa health screening, kabilang ang pagsusuri sa paningin, pandinig, ngipin, nutrisyon, psychosocial well-being, at kanilang pag-unlad.
Magkakaroon din ng referral para sa mga nangangailangan ng specialized health services, developmental care, o therapy.
Nakahanda rin ang mga care navigator upang umalalay sa mga bata at i-refer sila sa angkop na health facilities at mga espesyalista para sa karagdagang check-up o gamutan. Saklaw ng YAKAP-SHP ang mga estudyante, guro, non-teaching personnel, mga kwalipikadong dependent, out-of-school children and youth, gayundin ang mga batang na-diagnose na may developmental delays o kapansanan.