Photo courtesy of DENR
Hinikayat ni DENR Sec. Mitch Cuna ang mga kabataang Pilipino na maging aktibong lider sa kani-kanilang komunidad sa paghahanda sa sakuna at pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang naging sentro ng mensahe ng kalihim sa Kabataan Summit on Disaster Risk Reduction na ginanap sa SM City Puerto Princesa sa Palawan noong Oct. 13, kasabay ng paggunita sa International Day for Disaster Risk Reduction.
Ayon sa kalihim, mahalaga ang maagang paghahanda at proactive risk management lalo na sa harap ng inaasahang Super El Niño.
“We may not be able to prevent every disaster from happening. But we can prepare for them. We can understand the risks, plan ahead, and make sure that when disaster strikes, our families and communities are ready,”
Binigyang-diin din ng kalihim na nagsisimula sa bawat tahanan at komunidad ang paghahanda sa sakuna, kung saan mahalagang matiyak na alam ng mga pamilya ang mga hakbang na dapat gawin sa panahon ng emergency.
“We are not just waiting for someone to save us. We are our own first responders. We are our own partners in building resilience,”
Kabilang din sa mga binigyang-diin ni Cuna ang pangangalaga sa kagubatan, watershed, ilog at mga baybaying-dagat na mahalaga sa pag-iimbak at pagkontrol sa suplay ng tubig, pagprotekta sa mga komunidad at pagpapanatili ng kabuhayan.
Dumalo sa summit ang nasa 250 na mga kabataan na nakiisa sa mga praktikal na paraan para mapalakas ang kahandaan ng komunidad, gaya ng pagsubaybay sa mga geohazard at lagay ng panahon, paggamit ng mga teknolohiya sa tubig, at pag-iipon ng tubig-ulan.