Umaasa ang House prosecution na mapabibilis ang pag-usad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos bawiin ang tatlo sa apat na articles of impeachment laban sa Bise Presidente.
Ayon kay lead prosecutor Rep. Gerville Luistro, inaasahang mababawasan ang 31 araw na hinihingi ng depensa upang ilahad ang kanilang ebidensya dahil isa na lamang ang natitirang artikulong kailangang sagutin.
Dahil dito, umaasa si Luistro na matatapos ang impeachment proceedings bago mag-Pasko, bagama’t nakasalalay sa depensa at sa Senate impeachment court ang pagpapasya sa haba ng paglilitis at paglalabas ng hatol.
Nilinaw rin ni Luistro na kolektibong desisyon ng buong prosecution panel, kabilang ang mga private prosecutor, ang pagbawi sa tatlong articles of impeachment.
Kinumpirma naman ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan na nagkaisa ang public at private prosecutors sa naturang desisyon.
Ayon kay Kapunan, panahon na upang ihinto ang paglalahad ng ebidensya dahil malinaw na aniya sa kanila ang alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.