Kinumpirma ng Manila Electric Company (MERALCO) ang dagdag-singil sa paparating na October 2026 billing.
Inihayag ni MERALCO Spokesperson at Corporate Communications Head Joe Zaldarriaga ang pagkakaroon ng ₱0.3191 na dagdag sa kada kilowatt-hour na singil sa kuryente.
Nangangahulugan ito ng dagdag na ₱64 sa bill ng mga kumukonsumo ng 200 kilowatthour kada buwan, dagdag na ₱96 para sa mga may konsumong 300 kilowatthour, ₱128 naman ang dagdag sa mga nasa 400 kilowatthour ang konsumo sa kuryente habang ₱160 ang itataas sa billing ng mga kumokonsumo ng 500 kilowatthour.
Ayon sa Meralco, ang pangunahing sanhi ng pagtaas ay ang Generation Charge na tumaas ng halos ₱0.50 sentimos (₱0.4973 kada kWh).
Malaki ang naging ambag dito ng First Gas/Prime CoreGen dahil sa mas mataas na presyo ng fuel cost bunsod ng paggamit ng Liquefied Natural Gas (LNG) na nananatiling mataas ang presyo sa gitna ng patuloy na krisis sa Gitnang Silangan.
Bukod dito, nakaapekto rin ang bahagyang paghina ng piso laban sa dolyar at ang pagtaas ng singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Samantala, wala namang pagbabago sa MERALCO Distribution Charge ngayong buwan.