Iginiit ng grupong United Peoples Against Corruption (UPAC) na hindi pa tapos ang civil case na isinampa laban kina Leyte Rep. Martin Romualdez, dating Congressman Zaldy Co, Quezon City Rep. PM Vargas at iba pa kaugnay ng paniningil ng ₱1 bilyong danyos.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, legal counsel ng UPAC, naglabas ng resolusyon ang Court of Appeals (CA) na nag-uutos kina Romualdez, Co, Vargas at iba pa na sagutin ang petisyon ng grupo.
Hinahamon ng petisyon ang naunang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na ibasura ang kaso.
Layunin ng petisyon na payagan ang UPAC na magsampa ng kaso bilang pauper litigant at ma-exempt sa pagbabayad ng humigit-kumulang ₱20 milyong docket fees.
Kapag pinagbigyan ng CA ang petisyon, maaaring maibalik ang kaso sa trial court upang talakayin kung may pananagutan ang mga opisyal sa umano’y pagkabigong mapangalagaan ang pondo para sa mga flood control project sa ilang barangay sa Quezon City.
Matatandaang ibinasura ni QC RTC Branch 81 Judge Madonna Echiverri ang kaso matapos tanggihan ang mosyon ng UPAC na ma-exempt sa pagbabayad ng ₱20 milyong docket fees bilang pauper litigant.