Naniniwala ang isang law expert na “Sink or Swim” ang naging istratehiya ng prosecution panel sa naging desisyon nitong iatras ang ibang articles of impeachment at tumutok na lamang sa Unexplained Wealth article.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay 1Sambayan Convenor, Attorney Howard Calleja, ipinahayag nito na maaaring kumpiyansa ang prosecution panel sa mga naging presentasyon ng ebidensya sa article of impeachment na Unexplained Wealth kaya ito na lamang ang nais nilang pagtuunan ng atensyon.
Ayon pa kay Atty. Calleja, sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, isang article of impeachment lamang ang kinakailangan upang ma-convict ito basta’t mayroong sapat at matibay na ebidensya ang prosekusyon.
At dahil sa pag-atras ng ibang articles of impeachment, mas mapabibilis na ang proseso ng impeachment trial at makatitipid pa ng pondo ang pamahalaan para rito.
Aniya, hindi naman masasabing nasayang ang mga naging presentasyon ng prosekusyon sa mga iniatras na articles of impeachment dahil maaari pa rin itong usigin sa regular na korte, Ombudsman o maging sa Sadiganbayan.
Samantala, sinabi rin ni Atty. Calleja na kung magiging patas ang mga senator-judge at babase sa ebidensya na ipinresenta sa Article II of impeachment, mataas ang conviction rate ni VP Duterte na maaari aniyang umabot sa 18 boto.