May timeline nang ibinigay ang Malacañang para sa gagawing paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Pambansang Pondo para sa susunod na taon.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez na lalagdaan ng Chief Executive ang ₱6.352-trillion budget sa 2025 sa darating na December 30.
Ayon kay Chavez, dadalo lang muna ang Chief Executive sa pagdiriwang ng Rizal Day sa Luneta at mula doon ay inaasahang didiretso na ng Palasyo para sa gagawing paglagda sa National Budget.
Una dito’y tiniyak ng Pangulo na bago matapos ang taon ay kanyang mapipirmahan ang Pambansang Pondo at hindi gagamit ng reenacted budget.
At nitong mga nakalipas na araw ay masusing nagsasagawa ng pagbusisi ang Pangulo kasama ang economic managers sa National Budget na kung saan ay isa ang insertion sa tinitingnang maigi at madetermina kung kailangan ba talaga ang mga idinagdag na proyekto sa insertion. | ulat ni Alvin Baltazar