Nais paimbestigahan ng Bureau of Corrections sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang stabbing incident na nangyari sa loob ng New Bilibid Prison, January 2 ng umaga, na nagresulta sa pagkamatay ng isang person deprived of liberty (PDL) at may dalawa ding sugatan.
Sa kahiwalay na sulat na pirmado ni Bucor Officer-in-Charge, Asec. Al Perreras at naka-address kina NBI Director, Jaime Santiago at PNP Chief, P/Gen. Rommel F. Marbil, nais ng Bucor magsagawa ang dalawang nabanggit na ahensya ng sarili nitong mga imbestigasyon para malaman ang totoong detalye at ipakita ang transparency ng Bucor.
Layon din nito na malaman ang pananagutan sa pagkamatay ng PDL na si Ricardo Peralta at pagkasugat nina PDL Reginal Lacuerta at PDL Bert Cupada.
Kasabay nito ay inatasan din ni Perreras si C/SUPT Roger Boncales, Acting Superintendent ng NBP, na magsumite ng komprensibong incident report sa naturang insidente at makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng NBI at PNP. | ulat ni Lorenz Tanjoco