Welcome para sa isang mambabatas na miyembro ng Young Guns sa Kamara ang inihaing petition for mandamus sa Supreme Court upang atasan ang Senado na kagyat na simulan ang impeachment trial.
Kasunod ito ng inihaing petisyon ni dating Special Government Counsel ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) Atty. Catalino Generillo Jr.
Ayon kay 1-Rider party-list Rep. Rodge Gutierrez, kaisa siya sa opinyon ng mga legal luminaries na ang ibig sabihin ng forthwith na nakasaad sa Saligang Batas ay agarang aksyon.
At bilang isang dating lingkod-bayan ang nagpetisyon, naniniwala siyang may sapat na basehan si Generillo para dumulog sa Korte Suprema.
“Para sa kaalaman po ng lahat, ang mandamus po ay isang action sa Supreme Court kung saan ito ay isang relief na humihiling na aksyunan na ng isang ahensya o sangay ng gobyerno ang isang bagay na dapat nang aksyunan. Ibig sabihin, kapag nakikita ng isang tao na may responsibilidad ang isang ahensya o sangay ng gobyerno na dapat nang gawin, maaari silang humingi ng relief sa Supreme Court. Mandamus po ang ginagamit,” paliwanag ni Gutierrez.
Aminado naman ang kongresista na malaking hamon para sa binuong 11-man prosecution team kung kailan sisimulan ng Senado ang impeachment trial.
Hanggang ngayon kasi aniya, hindi pa nila alam ang mga panuntunan o rules ng impeachment court.
Sa ngayon, general preparations pa lamang aniya ang ginagawa ng prosekusyon para sa lahat ng posibleng scenario, kabilang ang timeline, mga prosesong pahihintulutan at ipagbabawal, pati na ang pagkuha ng mga external lawyers.
“Admittedly, there are difficulties in the sense na dahil hindi pa po gumagalaw ang Senado, wala pa pong rules, hindi pa po namin alam kung ano ang magiging proseso o anong uri ng paglilitis ang kanilang ipapatupad. Kaya, bilang pag-iingat, ang ginagawa po namin sa prosecution team ay general preparations para sa lahat ng scenarios. Kabilang dito ang timeline, ang mga prosesong maaaring payagan at hindi payagan, pati na rin kung pahihintulutan ang tulong o pagkuha ng external counsel. Pinaghahandaan po namin ang lahat ng sitwasyon,” dagdag pa ni Gutierrez. | ulat ni Kathleen Forbes