Pinuri ni Senador Sherwin Gatchalian ang desisyon ng Bureau of Immigration (BI) na higpitan ang deportation protocols nila sa pamamagitan ng pagbabawal ng layover flights para sa mga dating POGO workers.
Ayon kay Gatchalian, ang bagong polisiyang ito ay mahalaga sa pagtitiyak na ang mga pinapa-deport natin ay direktang maibabalik sa bansang kanilang pinanggalingan at hindi nila maiiwasan ang hustisya.
Binigyang-diin ng senador na kaya napa-deport ang mga POGO workers na ito ay dahil nasangkot sila sa iligal na gawain at nilabag nila ang kanilang Immigration status.
Kaya naman kung hindi sila agad na mapapaalis ng Pilipinas ay maaaring ipagpatuloy ng mga ito ang paggawa ng mga iligal na aktibidad.
Sinabi ni Gatchalian na hindi dapat hayaan na manatili o makabalik ng Pilipinas ang mga dayuhang walang kusa sa pagsunod sa mga batas ng ating bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion