Sinimulan ngayong araw ng Commission on Elections (Comelec) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang “Oplan Baklas” sa Nicolas Zamora Street, Tondo, Manila, kasabay ng pagsisimula ng lokal na kampanya para sa Halalan 2025.

Ayon kay MMDA Chairpersn Atty. Don Artes, mahigit 500 tauhan mula sa Metro Parkways Clearing Group (MPCG) ang ipinakalat sa 17 lungsod ng Metro Manila upang baklasin ang mga campaign material na nakakabit sa ipinagbabawal na lugar tulad ng puno, poste, footbridges, at iba pang pampublikong pasilidad.
Pinaalalahanan naman ni Comelec Chair Atty. George Erwin Garcia ang mga kandidato, na idikit lamang ang kanilang campaign materials sa mga itinalagang common poster areas upang maiwasan ang diskwalipikasyon.

Binigyang-diin din niya, na magpapadala sila ng “order to remove” sa mga kandidato, at kung hindi ito susundin sa loob ng tatlong araw, ipapatawag sila para magpaliwanag.
Hinihikayat ng Comelec ang publiko na iulat ang campaign materials na nakakabit sa bawal na lugar sa kanilang opisina, website, o social media platforms. | ulat ni Diane Lear