Inaasahang dadalo na sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na inimbitahan ng kumite.
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ni-reschedule sa April 10 (huwebes) ang pagdinig at dito ay inaasahang dadalo na ang mga government officials na inimbitahan ni Committee Chairperson Senadora Imee Marcos.
Una nang naka-schedule ang pagdinig sa Martes, April 8.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ni Escudero kung sinu-sinong mga opisyal ang dadalo.
Sa naging pagdinig ng kumite nitong nakaraang Linggo, halos walang dumalong mga opisyal mula sa ehekutibo, kabilang na ng mga miyembro ng gabinete, matapos igiit ni executive secretary Lucas Bersamin ang executive privilege.
Sa kabila nito ay pina-subpoena pa rin ng kumite ang mga executive officials para dumalo sa susunod na pagdinig.
Sinabi ni Escudero na hindi na kailangan ng subpeona para sa mga inimbitahang resource person pero maaari pa rin aniya nilang igiit ang executive privilege sa pagsagot ng mga tanong sa pagdinig. | ulat ni Diane Lear