Nahaharap na ngayon sa patung-patong na kaso ang pulis na nanakit sa isang waiter at nagpaputok ng baril sa labas ng isang bar sa QC nitong weekend.
Kinumpirma ng QCPD na nasampahan na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) nito ng mga kasong Illegal Discharge of Firearm, R.A. 10591, Violation of Omnibus Election Code, Physical Injury, Slander by Deed, at Disobedience Upon and Agent of Person in Authority ang pulis na si Plt. Col Mark Julio Abong sa Quezon City Prosecutors Office kahapon.
Ang sangkot na pulis ay pansamantalang nakakulong ngayon sa CIDU.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni QCPD Chief PBGen. Redrico A. Maranan na hindi nito kukunsintihin ang sangkot na pulis at sisiguruhing maipatutupad ang batas anuman ang posisyon nito.
“We assure the public that the QCPD will thoroughly implement the law regardless kung sino po ang involved as it will not tolerate misdeeds in the PNP”
Una nang kinondena ni QC Mayor Joy Belmonte insidente ng karahasan na kinasangkutan ng dating hepe ng QCPD-CIDU na nahatulan nang guilty at naalis na sa pwesto ng QC PLEB. | ulat ni Merry Ann Bastasa