Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Quezon City Police District para alamin ang dahilan ng pagkamatay ng batikang aktor na si James Gibbs na mas kilala bilang Ronaldo Valdez.
Ayon sa QCPD, nauunawan umano ng pulisya ang kahalagahan ng bagay na ito kayat nagsisikap na mangalap pa ng lahat ng nauugnay na katotohanan at ebidensya.
Tiniyak ng QCPD sa publiko na ang anumang matuklasan nito mula sa imbestigasyon ay opisyal na ilalabas ng mga awtoridad.
Hinihimok din ang publiko na iwasang maglabas ng anumang konklusyon at igalang ang kahilingan ng pamilya na magdalamhati nang pribado.
Kasabay nito, nagpaabot ng taos-pusong pakikiramay ang QCPD sa naiwang pamilya ng aktor.
Iniulat ang pagpanaw ng 77 taong gulang na aktor kahapon ng hapon na sinasabing nagbaril sa sarili. | ulat ni Rey Ferrer