Na-nutralisa ng mga tropa ng 79th Infantry Battalion ang 3 miymebro ng NPA sa serye ng enkwentro sa Sitio Mansulao, Barangay Pinapugasan, Escalante City, Negros Occidental kahapon.
Ayon kay 3rd Infantry Division spokesperson Lt. Col. J-jay Javines, rumesponde ang mga tropa sa sumbong ng mga residente na nagsasagawa ng extortion activities ang mga teroristang komunista sa lugar.
Sa nangyaring serye ng enkwentro na nag-umpisa kahapon ng alas-11 ng umaga, nakasagupa ng tropa ang walong natitirang miyembro ng dismantled Northern Negros Front.
Narekober ng mga tropa sa unang encounter site ang labi ng dalawang lalaki at isang babaeng terorista, isang M653, isang AK47, isang .45 caliber pistol at samut saring personal na kagamitan ng kalaban.
Binati ni 3ID Commander Major General Marion R. Sison ang mga tropa sa matagumpay na operasyon, kasabay ng panawagan sa mga natitirang miymebro ng NPA na sumuko na upang maiwasan na sapitin ang kinahinatnan ng kanilang mga nasawing kasamahan. | ulat ni Leo Sarne