Inihayag ni House Committee on National Defense and Security Chair at Iloilo Representative Raul Tupas ang buong suporta sa inilabas na Executive Order No. 57 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nilalayon ng EO na palakasin ang maritime security at maritime domain awareness ng Pilipinas sa gitna ng panggigipit ng China sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng pag-reorganize sa National Maritime Council (NMC).
Ayon kay Tupas, isa itong istratehikong hakbang para isulong ang seguridad, territorial integrity, at sovereign rights ng Pilipinas.
Mahalagang tugon din aniya ito sa pagbuo ng mga istratehiya para sa iba’t ibang maritime concerns gayundin ay mapag-isa ang mga responsibilidad ng mga ahensya na naatasan sa maritime security operations.
Paraan din aniya ito para protektahan ang mga mangingisda na ang kabuhayan ay nasa WPS pati na ang Philippine Coast Guard at militar na nagbabantay sa ating teritoryo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes