Lusot na sa House Committee on Senior Citizen ang panukalang batas na mag-aatas sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na ilaan ang 3% ng kanilang annual budget para sa mga programa at proyekto ng mga lolo at lola.
Ayon kay Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes, chair ng komite at pangunahing may akda ng panukala, nilalayon nito na punan ang gap o kakulangan sa pondo para sa mga programa na makatutulong sa mga senior citizen.
Ipinunto ng mambabatas na sa kabila na binubuo ng 9% ng mga senior citizen ang kabuuang populasyon ng Pilipinas, marami sa naturang sektor ang hindi nakakatanggap o walang access sa mga programa at proyekto dahil sa kawalan ng pondo.
Sabi pa ni Ordanes na inaasahang tataas pa sa 16.5% ang bilang ng mga senior pagsapit ng 2050.
Sa ilalim ng panukala, ang national government agencies, executive departments, bureaus, office agencies, local government units, at barangays ay ilalaan ang 3% ng kanilang taunang pondo sa mga programa at proyekto na direktang pakikinabangan ng nasa halos 10 million na senior citizen. | ulat ni Kathleen Jean Forbes