Patuloy na isinasagawa ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ang practical activities at exercises para sa 67 trainees ng Fundamental Training Course ng Philippine Railways Institute (PRI).
Ang aktibidad na pinasimulan noong Abril 11 at matatapos sa Mayo 10 ay nagpapakita sa pang araw-araw na operasyon, at maintenance ng MRT-3.
Nilalayon nito na mabigyan sila ng mga kasanayan at ilapat ang theoretical na kaalaman na kanilang natamo sa buong kurso sa practical learning.
Pagtiyak ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, na kanilang sinusuportahan ang pag-unlad ng susunod na henerasyon ng mga railway professional ng bansa.
Ang MRT-3 raw ay mananatiling dedicated partner ng PRI tungo sa paghubog ng mga kabataan ngayon, na maging matibay na haligi ng railways sector.
Ang PRI ay attached agency ng DOTr, na nangangasiwa sa research and training center para sa human resource development ng railway sector. | ulat ni Rey Ferrer