Mas pinadali pa ang access ng publiko sa cervical cancer screening sa Quezon City.
Kasunod ito ng paglulunsad ngayong araw ng Community-Based Cervical Cancer Screening Program na kauna-unahan hindi lang sa lungsod kundi sa buong bansa.
Pinangunahan ng QC Health Department ang paglulunsad ng programa katuwang ang Jhpiego Philippines, Southstar Drug Inc. at Women Workers for Health Empowerment Network.
Ayon kay Dr. Karen See, Cancer Coordinator ng QC Health Department, sa ilalim ng programa, magiging available na rin sa piling botika ng Southstar ang mga libreng self-testing kit para sa mga kababaihang nasa edad 30-49.
Inisyal na makukuha ang self-collection kits sa apat na outlet ng Southstar Drug kabilang ang branch sa Matalino Street, Robinsons Novaliches, at Shopwise sa Parañaque.
Pinalawak na programa ito mula sa ongoing nang hakbang ng QC Health Department kung saan available na ang libreng screening sa 66 health centers sa lungsod.
Kasama rin sa target ng programa ang pagpapalawak ng cervical cancer screening sa workplaces o trabaho sa lungsod.
Noong 2024, sa bisa ng City Ordinance SP-3285, S-2024 o Quezon City Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO), aabot sa 16,000 kababaihan ang sumailalim sa screening sa QC Health Department kung saan higit 200 ang nagpositibo at binigyan din ng libreng intervention ng pamahalaang lungsod.
Sa taong ito, nasa P28 milyon naman ang pondong inilaan ng LGU para makapag-screen ng 20,000 kababaihan gamit ang high performance test. | ulat ni Merry Ann Bastasa