Binuksan na ng Government Service Insurance System (GSIS) ang bago nitong Digital Business Center (DBC) sa General Santos Branch Office.
Dahil dito, may alok na ang ahensya na mas mabilis na alternatibong serbisyo kaysa sa counter services.
Ayon sa inilabas na pahayag ng GSIS, ang DBC ay naghanda ng tablets na mayroong GSIS Mobile Touch App, kung saan ito ang magiging paraan para makapagproseso ang nasa 46,000 active members at 11,000 pensioners sa General Santos, Sultan Kudarat, South Cotabato, at Sarangani ng kanilang mga papeles nang hindi nag-aantay sa pila.
Naniniwala naman si GSIS President and General Manager Wick Veloso, na ang kanilang digital business center ang magbabago kung paano nila pagsilbihan ang kanilang mga miyembro.
Sa halip aniya na pumila sa mga counter ay maaari nang gamitin ang mga tablet na inihanda ng GSIS, para maisagawa ang kanilang nais na transaksyon sa pamamagitan ng GSIS Mobile Touch App.
Ang naturang lugar ay mayroon ding kumportableng espasyo kung saan maaaring makapag-process ng kanilang loans ang mga miyembro, ma-check ang kanilang mga status o balance, makita ang kanilang records at iba pa.
Mayroon paring mga trained GSIS staff na mag-a-assist sa mga miyembro na ngangailangan ng tulong sa paggamit ng kanilang digital business center.
Dagdag pa ni Veloso, na ang kanilang digital services ay patunay sa kanilang pangako na bawasan ang waiting time ng kanilang mga miyembro habang pinapaganda naman ang member’s experience. | ulat ni Lorenz Tanjoco