Nanawagan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army na manatiling nagkakaisa at propesyunal, lalo na sa harap ng mga usaping may kinalaman sa politika.
Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-49 na anibersaryo ng 2ID sa Tanay, Rizal, binigyang-diin ni Gen. Brawner ang kahalagahan ng 2ID sa pagbibigay seguridad sa Metro Manila, kung saan matatagpuan ang “seat of government.”
Paliwanag ni Brawner, mahalaga ang papel ng 2ID bilang pangunahing unit na reresponde kung sakaling magkaroon ng banta sa seguridad, destabilization, o gulo sa Metro Manila.
Bagamat nakatutok ngayon ang AFP sa West Philippine Sea at Exclusive Economic Zone ng bansa, iginiit ni Brawner na kailangang manatiling alerto at nakatutok ang 2ID sa kanilang misyon.
Dagdag pa ni Brawner, mahalagang paalalahanan ang mga sundalo ng 2ID na huwag panghinaan ng loob sa kabila ng mga kinahaharap na hamon ng bansa, gaya ng banta mula sa CPP-NPA, nalalapit na halalan, at isyu sa West Philippine Sea. | ulat ni Diane Lear