Photo courtesy fo DENR Region 1
Humigit-kumulang 800 pamilyang Ilocano sa rehiyon ng Ilocos ang nagkamit ng mas secure na karapatan sa kanilang lupang tinitirhan at sinasaka, kasunod ng pamamahagi ng mga patent sa ilalim ng programang “Handog ng Pangulo: Luntiang Bukas”.
Kabuuang 1,000 patent ang ipinamahagi, kabilang ang 741 agricultural patents, 244 residential patents, at 15 special patents.
Isinasakatuparan ang programa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., upang mailapit sa mga Pilipino ang mga serbisyong may direktang epekto sa kanilang buhay at kabuhayan.
Kasabay ng pamamahagi ng mga patent, inilapit din sa mga komunidad ang iba pang serbisyo ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa lupa, kalikasan, punla, at kabuhayan.
Layunin ng hakbang na makatulong sa mga pamilyang umaasa sa lupang kanilang tinitirhan at sinasaka, at magkaroon sila ng mas matibay na pundasyon para sa kanilang kabuhayan at kinabukasan.