Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba’t ibang bansa para matiyak ang sapat na suplay ng langis sa Pilipinas, sa gitna ng tensyon sa Middle East na nakaaapekto sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, naghahanda ang pamahalaan sa worst-case scenario na mawalan ng suplay ng langis ang bansa.
Kaya aniya, kailangang i-diversify ang mga pinagkukunan ng petroleum products ng Pilipinas.
Sa ngayon, nasa 80 porsiyento ng suplay ng langis ng bansa ang dumadaan sa Strait of Hormuz.
Dahil dito, nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Russia, Canada, United States, South America, Australia at iba pang bansa sa Asia, para magkaroon ng alternatibong mapagkukunan.
Sa ganitong paraan, mababawasan aniya ang panganib na mawalan ng suplay sakaling magkaroon ng problema o tuluyang magsara ang Strait of Hormuz.
Ayon kay Garin, mayroon pang 54 na araw na suplay ng langis ang bansa, na nangangahulugang may sapat na panahon para makakuha ng panibagong suplay bago maubos ang kasalukuyang imbentaryo.