Nilinaw ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na tanging ang online platform na Reddit lamang ang binigyan ng extension kaugnay ng 24-oras na direktiba nitong magtalaga ng local representative sa Pilipinas.

Ayon sa CICC, napagbigyan ang hirit na extension ng Reddit matapos makipagpulong online sa loob ng itinakdang 24 oras at talakayin ang mga konkretong hakbang para palakasin ang online child safety.
Samantala, nakipag-ugnayan din ang Discord sa CICC ngunit sa pamamagitan pa lamang ng liham kaya walang extension na ipinagkaloob sa Discord at hinihintay pa ang direktang pag-uusap at konkretong commitment mula sa platform.
Patuloy din umanong sinusuri ng mga awtoridad ang paggamit ng Discord ng mga extremist community, kabilang ang mga grupong iniuugnay sa Nihilistic Violent Extremism o NVE at umano’y radicalization at recruitment ng mga menor de edad.
Giit ng CICC, patuloy ang mahigpit nitong monitoring sa mga platform para matiyak na may konkretong aksyon, accountability, mabilis na response mechanism at mas matibay na proteksyon para sa mga batang Pilipino online.