Sa pagsisikap na palawakin ang agricultural exports ng bansa, muling nagpadala ang Pilipinas ng aabot sa halos isang metriko toneladang sariwang durian at mangosteen sa Canada.

Ipinadala ang unang batch ng 300 kilo ng durian at 120 kilo ng mangosteen para sa Canadian buyer na Fresh Makers Ltd habang nakaiskedyul naman ngayong Huwebes, Sept. 24, ang pagpapadala sa Toronto ng karagdagang 300 kilo ng durian at 200 kilo ng mangosteen.

Ayon kay Agriculture Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghanap ng mga bagong pamilihan para sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas.
Kasama ang durian sa mga high-value crops na isinusulong ng Department of Agriculture para mapalawak ang export market, kasama ang cacao, kape at okra.
Ang shipment sa Canada ay kasunod ng matagumpay na pagpapadala ng sariwang durian sa France, kung saan nagpapatuloy ang lingguhang air cargo shipments.