Nanawagan si Quezon Third District Representative Reynante Arrogancia sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na higpitan ang cybersecurity requirements para sa mga ride-hailing platform kasunod ng naiulat na cybersecurity incident sa JoyRide.
Ayon kay Arrogancia, nakababahala ang posibleng pagkakalantad ng personal na impormasyon ng mga pasahero at rider, kabilang ang kanilang contact numbers, tirahan, lugar ng trabaho, at transaction records.
Babala ng kongresista, maaaring magamit ang mga nakuhang datos sa identity theft, phishing, online scams, at iba pang uri ng panloloko.
Iminungkahi niyang makipagtulungan ang DOTr at LTFRB sa National Privacy Commission (NPC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para maisama sa accreditation at regular monitoring ang cybersecurity audits at data protection safeguards.
Hinimok din niya ang NPC na tiyaking sumusunod ang JoyRide sa Data Privacy Act, kabilang ang kinakailangang abiso sa mga posibleng apektadong pasahero at rider.
Kasabay nito, sinuportahan ni Arrogancia ang pagpasa ng permanenteng batas para sa motorcycle taxi industry upang magkaroon ng malinaw na regulasyon, kabilang ang proteksyon sa personal na impormasyon ng mga gumagamit nito.