Tuloy-tuloy ang libreng sakay na handog ng Department of Transportation (DOTr) at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa mga pasaherong apektado ng ikalawang araw ng tigil-pasada ng grupong Manibela ngayong araw, November 24.
Ayon sa DOTr, epektibo ang Libreng sakay mula alas-6 ngayong umaga hanggang alas-9 mamayang gabi upang umalalay sa mga pasaherong apektado.
Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na agarang pag-alalay sa mga komyuter at tiyaking may masasakyan sila sa gitna ng isinasagawang tigil-pasada.
Saklaw pa rin ng libreng sakay ang mga rutang Quiapo patungong Cubao, Quiapo patungong Doña Carmen at Commonwealth; Quiapo patungong Fairview, Taft avenue (Buendia) patungong Alabang; at Commonwealth patungong Cubao (via East Avenue at V. Luna).
Katuwang ng DOTr sa pagbibigay ng libreng sakay ang Office of the President, Philippine Coast Guard (PCG) at ang Philippine Ports Authority (PPA).
Gayundin ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Department of Energy (DOE), at Philippine Army.