Photo courtesy of Philippine National Police (PNP)
Misleading kung ituring ng Philippine National Police (PNP) gayundin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga paratang na may niluluto umano silang pagsalakay sa Brgy. Karawan, Indanan sa Sulu.
Ito’y matapos kumalat sa social media ang video ni dating Maimbung Vice Mayor Pando Mudjasan hinggil sa umano’y operasyon ng mga awtoridad sa nabanggit na bayan.
Sa inilabas na joint statement ng Joint Task Force Orion, Army’s 11th Infantry Division at Sulu Provincial Police Office, mariin nilang pinabulaanan ang mga alegasyon ni Mudjasan.
Giit sa pahayag, ang pagtungo sa lugar ng mga awtoridad ay bahagi ng nagpapatuloy na case build-up laban sa mga indibidwal na umano’y nasa likod ng pagkasawi ng Civilan Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) member na si Abduhasad Tambuyong.
Sa panig naman ng Pulisya, iginiit ni PNP Spokesperson, Police Brigadier General Allen Rae Co na lehitimo ang lahat ng hakbang o operasyon na gagawin ng mga awtoridad na nakasalig sa mga umiiral na batas.