Nakikiramay ang National Police Commission sa pamilya at mga kasamahan ni Police Senior Master Sergeant Shelvib Cuajao Cabug ng Jimenez Municipal Police Station, na nasawi matapos umanong mabundol ng mabilis na SUV habang naka-duty sa checkpoint sa Jimenez, Misamis Occidental noong Sept. 21.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan, naka-uniporme at may reflectorized vest si PSMS Cabug nang mangyari ang insidente.
Giit nito, dapat magkaroon ng masusing imbestigasyon ang Philippine National Police at kaukulang aksyon batay sa mga makakalap na ebidensya.
Patuloy din ang oversight ng NAPOLCOM at pakikipag-ugnayan sa PNP para matiyak na maayos at naaayon sa batas ang paghawak sa kaso.
Tiniyak din ng NAPOLCOM na tutulungan nitong maproseso at mailabas ang mga benepisyong nakalaan para sa pamilya ng nasawing pulis.