Magandang balita para sa mga Pilipinong nagnanais na magpatingin ng kanilang kalusugan nang hindi nag-aalala sa malaking gastos. Maaari nang makakuha nang libre ng 13 pangunahing laboratory test at health screening sa ilalim ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Maaaring mag-avail ng mga serbisyong ito ang lahat ng miyembro ng PhilHealth YAKAP, bata man o matanda, batay sa kanilang edad, risk factors, at resulta ng health assessment.
Kabilang sa mga libreng laboratory test na ibinibigay ng programa ang:
- Complete Blood Count (CBC)
- Hemoglobin Test (HbA1c)
- Creatinine
- Sputum Microscopy
- Urinalysis
- Fecalysis
- Fecal Occult Blood Test
Bukod dito, may mga partikular na test na ipinagkakaloob batay sa kategorya ng edad ng pasyente:
- Fasting Blood Sugar, Lipid Profile, at Oral Glucose Tolerance Test: Maaaring irekomenda o ibigay para sa mga batang mula sanggol hanggang 39 taong gulang batay sa pangangailangan, habang highly recommended naman ito para sa mga may edad 40 pataas.
- Chest X-ray: Maaaring ibigay sa mga batang edad 0 hanggang 9 kung kinakailangan, habang irekomenda naman ito para sa mga indibidwal na edad 10 pataas.
- Electrocardiogram (ECG): Maaaring isagawa para sa mga pasyente mula pagsilang hanggang 59 taong gulang kung kinakailangan, at iminumungkahi para sa mga nakatatandang edad 60 pataas.
- Pap Smear: Hindi ito kasama para sa mga batang babae na mas bata sa 10 taong gulang. Para sa mga kababaihang edad 10 hanggang 39, ibinibigay ito batay sa pangangailangan, habang iminumungkahi naman para sa mga edad 40 pataas (na may opsyon na hindi ituloy o i-waive).
Ayon sa PhilHealth, kinakailangan munang sumailalim ang isang miyembro sa pagsusuri ng doktor sa alinmang YAKAP-accredited clinic upang makakuha ng opisyal na reseta o laboratory request bago maisagawa ang mga libreng test.
Inilunsad ang PhilHealth YAKAP noong Hulyo 2025. Bukod sa mga libreng laboratory test, nagbibigay rin ang programa ng hanggang ₱20,000 halaga ng 75 uri ng maintenance at preventive medicine bawat taon sa pamamagitan ng mga GAMOT facility, pati na rin ang saklaw para sa anim na cancer-screening test tulad ng mammography, colonoscopy, breast at liver ultrasound, Alpha-Fetoprotein, at pap smear.