Photo courtesy of MMFF
Kumpleto na ang walong pelikulang kalahok sa 52nd Metro Manila Film Festival (MMFF) matapos ianunsyo ng festival organizers ang final four official entries noong October 12 sa Main Wing ng Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City.
Kabilang sa mga bagong inanunsyo ang historical drama na “Los Salvajes Bravos,” comedy-drama na “Little Hope,” documentary film na “Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF,” at family drama na “A Perfect Marriage.”

Tampok sa pelikulang “Los Salvajes Bravos” ng JesCom Films sina Romnick Sarmenta at Ruru Madrid, sa direksyon ni Paolo Dy.
Samantala, bibida naman sa pelikulang “Little Hope” ng Lonewolf Films sina Pepe Herrera at Yassi Pressman, sa direksyon ni Benedict Mique.
Tatalakay naman sa buhay ng Claretian missionary na si Fr. Rhoel D. Gallardo ang “Seeds of Peace: The Life of Fr. Rhoel D. Gallardo, CMF,” na idinirek ni Rommel Galapia Ruiz at pinagbibidahan ni Zaijian Jaranilla bilang pari.
Muli namang magsasama sa big screen ang KimPau tandem na sina Kim Chiu at Paulo Avelino sa “A Perfect Marriage,” sa direksyon ni Dan Villegas at mula sa Quantum Films at WASD Films.

Bilang bahagi ng programa, nagkaroon din ng recap para sa unang apat na pelikulang inanunsyo noong July 7. Kabilang dito ang “2nd Miracle in Cell No. 7”, “Amir”, “Haunted Carnival”, at “The Greatest Showdown.”
Binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman at concurrent MMFF Chairman Atty. Romando Artes ang commitment ng festival na suportahan ang local film industry at maghatid ng de-kalidad na pelikulang Pilipino sa mga manonood.
Bukod sa film lineup, nakatakda rin ang iba’t ibang aktibidad bilang bahagi ng MMFF 2026. Kabilang dito ang Celebrity Pickleball Tournament sa November 29, habang gaganapin naman ang Parade of Stars sa Bacolod City sa December 12 at sa Mandaluyong at San Juan sa December 19. Nakatakda namang idaos ang Gabi ng Parangal sa December 27.
Sa kumpletong lineup, inaasahang maghahatid ang MMFF ng iba’t ibang kuwento at genre para sa mga manonood ngayong kapaskuhan. Mapapanood ang walong pelikula sa mga sinehan simula December 25, 2026, at tatagal hanggang January 7, 2027.
Nananatili sa maximum na ₱299 ang ticket price cap para sa MMFF 2026, at maaari pang mas bumaba ang presyo depende sa sinehan at lokasyon.