Binabalangkas na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mahigpit na regulasyon sa pagbebenta at pag-aangkat ng mga refurbished mobile device.
Ayon sa NTC, layon nitong higit na maprotektahan ang mga mamimili, matiyak ang kalidad ng mga produkto, at mapigilan ang pagbebenta ng mga smuggled, nakaw, at hindi maayos na na-refurbish na device.
Sa ilalim ng panukalang regulasyon, dapat lisensiyado ang mga dealer at lehitimo ang pinagmulan ng mga ibinebentang device.
Kailangang tugma rin ang mga ito sa mobile network sa Pilipinas, maayos ang kondisyon, fully functional, at may isang taong warranty para sa pagkukumpuni o pagpapalit.
Ayon naman kay NTC Deputy Commissioner Alvin Blanco, ang mas mahigpit na requirement ay para lamang sa mga commercial dealer at hindi naglalayong ipagbawal ang karaniwang pagbili at pagbebenta ng mga second-hand na gadget sa pagitan ng mga indibidwal.