Pinaalalahanan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na maging disiplinado sa pananalapi at tiyakin ang responsableng paggasta sa pondo ng bayan.
Ito’y kasunod ng pahayag ng Department of Budget and Management (DBM) hinggil sa paghihigpit nito sa mga patakaran hinggil sa paggasta ng mga ahensya ng pamahalaan, upang iwasan ang mga magagarbog pagtitipon na itinatago bilang planning activities.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi nila kukunsintihin ang anumang maling paggamit sa pondo ng bayan o ang labis na paggasta ng mga tanggapan at yunit ng pulisya.
Nangako ang PNP, na higit pa nitong paiigtingin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng gobyerno, at titiyaking ang mga gastusin ay nakatuon sa mga proyekto at aktibidad na nagpapabuti ng serbisyo publiko.