Nagpadala mismo ng liham ang Brightside Industries Group, LCC kay Senate Committee on Energy Chair, Senador Erwin Tulfo na interesadong magtayo ng oil refinery at depot sa Pilipinas.
Sinabi aniya ng kumpanya na hindi pagagastusin ang Pilipinas sa panukalang proyekto.
Ayon kay Tulfo, ang panukala ng Brightside ay katulad ng alok ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) ng United Arab Emirates.
Aniya, mas mainam kung mas maraming kumpanya ang magtatayo ng oil depot at refinery sa Pilipinas para matiyak na sapat ang suplay kapag may tensyon sa Gitnang Silangan.
Gayunman, kailangan aniyang makipag-ugnayan ang Belgium-based firm sa Department of Energy para sa mga pormal na negosasyon at kasunduan.
Una nang iminungkahi ng senador na makipagtulungan ang Pilipinas sa UAE, sa pamamagitan ng ADNOC para magtayo ng oil storage facility na magpoposisyon sa Pilipinas bilang regional oil hub.