Photo courtesy of Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC)
Naglabas ng babala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Council (CICC) nitong Lunes sa publiko laban sa pagpo-post o pagbabahagi ng mga malisyosong nilalaman sa internet na naghihikayat ng karahasan sa gitna ng mga kilos-protesta kasabay ng pagho-host ng Pilipinas sa ASEAN Summit.
Ayon sa ahensya, natukoy at nakilala na ng kanilang monitoring team ang ilang indibidwal na nagbabahagi ng mga online post na tila nag-uudyok ng karahasan kaugnay ng mga demonstrasyong nagaganap sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
“Iginagalang namin ang karapatan ng publiko sa kalayaan sa pagpapahayag, mapayapang pagtitipon, at paghingi ng aksyon mula sa pamahalaan. Ngunit ang mga kalayaang ito ay hindi kailanman dapat gamiting katwiran upang magsulong ng karahasan o maglagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko,” pahayag ni CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso.
Sinabi ni Paraiso na kasalukuyang sinusuri ng ahensya ang kredibilidad ng mga namonitor na post bago magpasya sa nararapat na hakbang. Binigyang-diin din niya na bagama’t kinikilala ng gobyerno ang karapatan ng mamamayan na magpahayag ng hinaing at lumahok sa mapayapang protesta, hindi nito palalampasin ang anumang pagtatangkang mag-udyok ng kaguluhan gamit ang mga online platform.
Nakikipag-ugnayan na rin ang CICC sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at mga law enforcement agency upang matiyak na mapapanagot sa ilalim ng mga umiiral na batas ang sinumang mapatutunayang nanghihikayat ng karahasan.
Nanawagan si Paraiso sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media—lalo na sa pagbabahagi ng impormasyon tungkol sa mga rally—at iwasan ang pagpapakalat ng mga nilalamang maaaring magdulot ng gulo o magsapanganib sa buhay ng mga kalahok. Sa pagdating ng mga delegado at lider mula sa iba’t ibang bansa sa rehiyon, umapela ang opisyal sa mga Pilipino na magtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan habang iginagalang ang magkakaibang pananaw.