Naglabas ng mahalagang paalala at gabay ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko hinggil sa mga dapat dalhin at ihanda upang makaiwas sa dehydration, sunburn, at iba pang mga sakit na may kaugnayan sa init o heat-related illnesses sa panahon ng matinding init ngayong very strong El Niño. Ayon sa ahensya, ang pananatiling handa ay susi upang maprotektahan ang kalusugan tuwing lumalabas ng tahanan.
Narito ang limang pangunahing kailangang dalhin o must-have items tuwing mainit ang panahon:
- Water Bottle (Botelya ng Tubig): Panatilihing may dalang tubig para manatiling hydrated sa buong maghapon. Uminom nang regular, lalo na kung naglalagi sa labas o gumagawa ng mga pisikal na aktibidad.
- Sunscreen (SPF 30 o mas mataas): Protektahan ang balat laban sa mapaminsalang ultraviolet (UV) rays. Magpahid ng broad-spectrum sunscreen bago lumabas at muling magpahid kada dalawang oras, o mas madalas kung lumalangoy o pinagpapawisan.
- Umbrella o Wide-Brimmed Hat (Payong o Sumbrero): Gumamit ng payong o sumbrero upang magbigay ng lilim at mabawasan ang direktang pagkabilad sa matinding sikat ng araw.
- Portable Fan (Maliit na Bentilador): Ang portable fan ay makatutulong upang mapabuti ang daloy ng hangin at magbigay ng pansamantalang ginhawa habang tumataas ang temperatura. Gamitin ito kasama ng iba pang hakbang sa pagpapalamig.
- Cooling Towel (Tuwalya para sa Pagpapalamig): Magdala ng malinis na tuwalya na maaaring basain ng malamig na tubig at ilagay sa leeg o balat upang tumulong sa pagpapalamig ng katawan.
Binibigyang-diin ng Philippine Red Cross sa kanilang kampanya na ang mga boluntaryo, lohistika, at teknolohiya ay patunay na sila ay “Always First, Always Ready, Always There” para sa kaligtasan ng bawat mamamayan.