Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na maaari lamang imbestigahan ang isang kaso na pormal na inihain sa kanila at hindi dahil sa post lamang sa social media.
Ito’y kasunod ng post ng kampo ni Vice President Sara Duterte hinggil sa di umano’y natatanggap na banta sa buhay ng isa niyang staff o tauhan.
Ayon kay PNP Spokesperson, Police Brig. Gen. Allen Rae Co, bahagi aniya ng proseso ang paghahain ng pormal na reklamo sa Pulisya upang maikasa nila ang nararapat na mga hakbang.
Sa isang Facebook post, sinabi ng tagapagsalita ni VP Sara na si Atty. Paolo Panelo na nagpasaklolo umano sa kaniya ang dating household staff ng Pangalawang Pangulo.
May isang grupo umano ang humahawak sa dating tauhan ng Bise subalit hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Binigyang-diin ni Co na hindi sila makagagalaw sa isang usapin kung wala silang pinanghahawakang pormal na reklamo hinggil dito.