Itinuturing ni Senate President Sherwin Gatchalian na isang malaking tagumpay para sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa bansa ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA).
Ayon kay Gatchalian, magbubukas ang nasabing kasunduan ng mas malawak na pamilihan sa buong Timog-Silangang Asya para sa maliliit na negosyante, kabilang na ang mga nasa lalawigan.
Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na upang lubos na mapakinabangan ng Pilipinas ang pagkakataong ito, kailangang doblehin ng pamahalaan ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na negosyo.
Partikular niyang tinukoy ang pangangailangan para sa mas abot-kayang singil sa kuryente, mas murang internet connectivity, at mas episyenteng imprastraktura sa logistics.
Kasabay nito, tiniyak ni Gatchalian na masusing pag-aaralan ng Senado ang bawat detalye o fine print ng kasunduan bago ito tuluyang ratipikahan.
“Sisiguraduhin ng Senado na ang importanteng detalye ng kasunduang ito ay talagang magsusulong sa mga maliliit na negosyante sa bansa at hindi sila mapag-iiwanan sa inaasahang pagpasok ng mga iba’t ibang produkto galing sa rehiyon,” pahayag ni Gatchalian.
Inaasahang magsisilbing gabay ang DEFA sa pagpapabilis ng digital trade, cross-border e-commerce, at makabagong sistema ng pagbabayad sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.