Agad na magsasagawa ng inspeksiyon ngayong umaga ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) sa bayan ng Sto. Domingo kasunod ng sunod-sunod na pagyanig na naramdaman kagabi.
Ayon kay Albay Governor Noel Rosal, layunin ng inspeksiyon na matukoy ang aktuwal na pinsala dulot ng mga lindol, kung saan ang Sto. Domingo ang naitalang epicenter batay sa opisyal na datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa mga inisyal na ulat mula sa mga apektadong lugar, may naitalang minor damages o bahagyang pinsala sa ilang kabahayan.
Kasunod nito, agad na nakipag-ugnayan ang APSEMO sa Provincial Engineer’s Office (PEO) upang magpadala ng anim hanggang pitong engineer na magsasagawa ng pagsusuri sa mga istruktura ngayong araw.
Isasagawa rin ang Rapid Damage and Needs Assessment upang matukoy ang mga lugar at residenteng nangangailangan ng agarang tulong at matiyak ang kanilang kaligtasan. Samantala, patuloy na minomonitor ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon sa bayan ng Sto. Domingo. | ulat ni Paul Hapin | RP Albay