Patuloy na tinututulan ng EcoWaste Coalition ang House Bill No. 7575 na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.
Sa pahayag ng grupo, sinabi nilang papalitan ng panukalang batas ang mga sanitary landfill ng mga waste-to-energy incineration facility sa buong bansa.
Ayon kay EcoWaste Coalition Policy Officer Glory Rose Manatad, taliwas ito sa layunin ng RA 9003 na nakatuon sa waste segregation, recycling, composting, at pagbabawas ng basura.
Nagbabala rin ang grupo na ang pagsusunog ng basura ay maaaring maglabas ng mapanganib na kemikal tulad ng dioxins at furans na may masamang epekto sa kalusugan at kalikasan.
Iginiit ng EcoWaste na sa halip na baguhin ang batas, dapat paigtingin ang pagpapatupad nito. Nanawagan din sila sa Kongreso na ibasura ang panukala at suportahan ang mga programang nakatuon sa zero-waste solutions at pangangalaga sa kapaligiran.